Ngayong darating na May a dies, tayo ay boboto para sa ika-15 pangulo ng Pilipinas. Ipapraktis natin ang karapatang pumili ng pinuno na naging bunga ng People Power noong 1986. Sa halalang ito nakasalalay ang kinabukasan ng bansang Pilipinas.
Hindi ko masasabing "well traveled" ako dahil iilang bansa lamang ang aking napuntahan. Pero ang masasabi ko lang, ipinagmamalaki kong isa akong Pilipino. Napunta ako sa Hong Kong at narealize ko na dapat ganun na din tayo ka progresibo tulad nila. Angat pa tayo sa kakayahang mag salita ng wikang Ingles ng nakararami. Kung hindi dahil sa mga gahamang nakaupo, maaaring mas maunlad pa tayo, kung hindi sing unlad, ng Singapore.
Sa sampung naghahangad na maging pangulo, hindi natin pwedeng sabihin na lahat sila ay malinis. Hindi rin natin pwedeng sabihing lahat sila ay "qualified" para sa trabaho *cough*jamby*cough*. Pero sana, sa Lunes, iboto natin ang taong sa tingin natin ay nararapat na mamuno sa bansa natin. Iboto natin ang taong may kakayahang paunlarin ang bansa at ibangon tao sa pagkakalubog sa utang.
Nawa'y iboto natin ang taong sa tingin natin ay may Galing at Talino. Hindi kung sino sa tingin natin ay mananalo. Ang halalan ay hindi isang karera na kung saan tataya ka sa pinakamabilis na kabayo. Huwag nating isugal ang kinabukasan ng bayan. Maging mapanuri sa pagpili ng susunod na pangulo. Ang tagal na nating inaasam asam ang pagbabago. Huwag nating sayangin ang pagkakataon.
Sa pagpili ng pangulo, tanungin natin ang ating sarili kung ano sa tingin natin ang motivation ng mga kandidatong ito. May iba diyan na gustong lalong yumaman, o hayok sa kapangyarihan. May ibang napilitan lamang dahil sa udyok ng mga kapatid at kapartido. May ibang gustong "linisin" ang pangalan o nabitin sa pagkakaupo bilang pangulo. Pero meron din naman sigurong malinis ang hangarin.
Responsibilidad nating suriin ang bawat isa sa mga kandidatong ito. Tandaan na nakasalalay ang pag-unlad ng bayan sa mga mokong na to. Huwag sayangin ang boto. Huwag magpadala sa magagarang TV ads, magagarang baller IDs at mga agaw pansin na kapatid. Tandaan din na kung malaki ang ginastos sa pangangampanya, malaki din ang nakakawin sa kaban ng bayan. Investment daw kasi ang kampanya at ang nanakawin sa kaban ng bayan ang ROI (return on investments).
Nawa'y matuto na tayo sa ating mga pagkakamali. Mabuhay ang mga Pilipino. Mabuhay ang Pilipinas.
Thursday, May 06, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

0 Saloobin:
Post a Comment